PRESS RELEASE
25 May 2021
ULAP AT PACC, UMIGTING ANG PAGKAKAISA KONTRA KORAPSYON
LUNGSOD NG QUEZON --- Ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), kabalikat ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), at sa pagsuporta ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ay naglunsad ng isang pagtitipon na ginanap nitong Lunes, May 24, 2021, sa tanggapan ng ARTA upang magkaisa na paigtingin ang pagsupil ng korapsyon.
Ang kaganapang ito ay nagbigay daan sa pormal na pakikilahok ng mga pinunong lokal, na binubuo ng mga Gobernador, mga Alkade ng siyudad at bayan, kasama rin ang mga lokal na lider mula sa mga Sangguniang Panlalawigan, Panlungsod at Bayan, maging ang mga Barangay Kapitan sa bansa, sa programang: “Kasangga, Tokhang Kontra Korapsyon,” na humihiling ng pakikiisa ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa bansa kontra katiwalian, sa pamumuno ng PACC. Ito ay bilang tugon sa layunin ni Pangulo Rodrigo Roa Duterte na wakasan ang korapsyon sa hanay ng nasyonal at lokal na pamahalaan.
Ang ULAP ay binubuo ng mga liga ng mga lokal na pamahalaan o LGUs sa bansa. Ang mga sumusunod ay mga miyembro nito na kumakatawan sa lahat ng antas ng lokal na gobyerno: League of Provinces of the Philippines (LPP), League of Cities of the Philippines (LCP), League of Municipalities of the Philippines (LMP), Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LNB), League of Vice Governors of the Philippines (LVGP), Vice Mayors League of the Philippines (VMLP), Philippine Board Members League of the Philippines (PBMLP), Philippine Councilors League (PCL), National Movement of Young Legislators (NMYL) and Lady Local Legislators of the Philippines (4L).
Sa naturang pagkakataon, sa pangunguna nina PACC Chairman Greco Belgica, ULAP President and Quirino Gobernador Dakila Carlo Cua, ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica, kabilang ang mga liderato ng mga liga ng lokal na pamahalaan na miyembro din ng ULAP na dumalo sa pamamagitang ng online conference, ay lumagda sa isang “Declaration and Undertaking”, bilang pagsuporta sa nasabing adhikain. Ang mga nasabing lider ay sina LPP President Gob. Presbitero Velasco, Jr, LCP President Mayor Evelio Leonardia, LNB President Konsehal Eden Chua-Pineda, LNB Secretary General Konsehal Jorge Daniel Bocobo, LVGP President Bise Gobernador /Atty. Karen Agapay, NMYL Chairman Bise Gobernador Jolo Revilla, NMYL President Konsehal Lady Julie Grace Baronda, 4L President Board Member (BM) Nena Atamosa, PBMLP Secretary General BM Edgar Igano at PBMLP Treasurer BM Romel Enriquez.
Nagbigay din ng personal na suporta, sa pamamagitan ng Zoom, sina Governor Ryan Singson ng Ilocos Sur, Gov. Imelda Dimaporo ng Lanao Del Norte at iba pang mga lokal na opisyales sa bansa.
Ayon kay ULAP National President Gobernador Dakila Carlo Cua, kaisa ni Pangulong Duterte ang pinagsama-samang lakas ng LGUs na binubuo ng lokal ehekutibo at lehislatura, sa layunin na wakasan ang katiwalian sa nalalabing panahon ng kasalukuyang administrasyon. Masugid din niyang inaanyayahan ang iba pang nasyonal at lokal na pamahalaan na patuloy na sumuporta at paigtingin pa ang pagsulong ng programang ito.
Nagpaalala dito si PACC Chairman Greco Belgica, na “Public Office is a Public Trust" na ang paninilbihan sa gobyerno ay isa lamang prebilehiyo at kaakibat nito ang pagiging tapat sa sinumpaang tungkulin at tapat sa mamamayan.
Bilang pinuno aniya ng PACC ay nais niyang bigyang diin ang pangako ng Pangulong Duterte na supilin ang lahat ng uri ng korapsyon at pagmamalabis sa pwesto sa buong pamahalaan lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa krisis ng kalusugan dahil sa pandemya.
Kaugnay sa direktiba ng Pangulo ay naglatag sila ng Road Map 2022 gaya ng: PACC Internal Reforms na naglalayong pabilisin ang proseso sa pamamagitan ng Automation at Streamlining of Rules in the Disposition of Cases; ang pagtatalaga ng Information and Resource Management Office na siyang magiging tulay ng PACC sa lahat ng kagawaran at ahensya sa ilalim ng punong ehekutibo; pagtatayo ng command centers sa lahat ng opisina ng gobyerno upang tumulong mag-monitor at validate ng mga report.
Ipinangako ni Belgica sa publiko na patuloy silang magsusulong ng mga serye ng manifesto signing sa lahat ng ahensya ng pamahalaan para masiguro sa publiko na ang pondo ng gobyerno ay nagugugol ng maayos at tama.
Kasunod nito, ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, sa pangunguna ni LNB President Eden Chua-Pineda ay naglunsad din ng parehong kaganapan at paglagda ng manifesto, kasama ang mga Presidente ng mga LNB Regional Chapters, upang ipakita ang patuloy na pagtataguyod sa nasabing layunin. Ang LNB ang kauna-unahang lokal na liga na nakiisa sa hamon ng PACC, pagkatapos ng ULAP.
Samantala, ito na ang ika-siyam na manifesto signing na nagawa ng PACC at nauna nang lumagda sa programang “Kasangga, Tokhang Laban sa Korapsyon” ang Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Transportation (DOTr) at National Youth Commission (NYC) at Department of Natural Resources (DENR). --- (ULAP)